Hustisya sigaw ng pamilya nang pinaslang na call center agent
MANILA, Philippines — Hustiya ang panawagan kahapon ng pamilya ng isang 31-anyos na call center agent matapos matagpuan ang bangkay nito kamakailan sa isang madamong lugar sa Pasay City.
Ayon sa hepe, ng Pasay City Police na si Sr. Supt. Bernard Yang, alas-7:00 ng umaga noong Marso 15 nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi kilalang lalaki, na may mga malalalim na sugat sa ulo, bale ang leeg, puro pasa ang buong katawan at nakatali ang mga paa ng kable sa madamong lugar ng Coral Way Drive CP1, MOA ng naturang lungsod.
Nabatid na nakilala lamang ang biktimang si Jake Dela Peña, isang call center agent, na taga-Pasay matapos itong ma-i-post sa pamamagitan ng social media.
Nabatid sa pamilya ng biktima, umalis ito ng bahay noong Marso 14 na ayon dito ay may kakatagpuin ito na nakilala niya sa Facebook. Nitong Biyernes ng umaga ay natagpuan na nga ang bangkay ng biktima.
May hinala ang pulisya, na posibleng may kinalaman sa karumal dumal na krimen ang kakatagpuin ng biktima, na inaalam na kung sino ito.
Sigaw ng pamilya Dela Peña, hustisya ang nais nilang makamit sa sinapit ng mahal nila sa buhay.
- Latest