LRT-1 na patungo ng Cavite, sisimulan nang gawin – DOTr
MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na nakatakda nang magsimula sa susunod na buwan ang pinakaaabangang aktuwal na konstruksiyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) na patungo ng Cavite.
Ayon sa DOTr at Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang naturang proyekto ang magdurugtong sa Baclaran sa Parañaque City at Bacoor, Cavite.
Target ng DOTr na makumpleto ang konstruksiyon ng proyekto sa ikaapat na bahagi ng taong 2021.
“Ito pong Abril na ito ay sa wakas mauumpisahan na po natin ‘yung tinatawag nating actual works sa extension ng LRT-1 patungong Cavite,” sabi ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan.
Nabatid na nakapaloob sa 11.7-kilometer railway extension project ang pagtatayo ng walong bagong istasyon, na matatagpuan sa Pasay City, Parañaque City, Las Piñas City, at Cavite.
Kumpiyansa ang DOTr na sa sandaling matapos ang proyekto ay maseserbisyuhan ang 800,000 pasahero ng LRT-1 mula sa kasalukuyang 300,000 to 400,000 commuters lamang araw-araw.
- Latest