Drug money, kakalat sa eleksyon-PDEA
MANILA, Philippines — Nagbabala ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa posibilidad na gumamit ng ‘drug money’ ang ilang pulitiko upang mamili ng boto para sa midterm elections sa darating na Mayo.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, walang pulitiko na bibili ng boto galing sa anumang tamang pagkakakitaan.
Tiyak aniyang mula ang pera sa korapsyon o di kaya ay illegal na droga kaya’t malakas ang loob ng mga ito na ‘magtapon’ ng pera.
“Walang politiko na bibili ng boto nang galing sa anumang tamang means. Usually talaga nanggagaling iyan sa korapsyon o sa ilegal na droga,” ani Aquino.
Ginawa ni Aquino ang pahayag kasunod na rin nang pagkadiskubre ng P245 milyong halaga ng shabu sa isang bahay sa Cavite nitong Miyerkules, na sinasabing pagmamay-ari ng isang sindikato ng droga na matagal nang minamanmanan ng PDEA.
Hiwalay naman aniya ito sa sindikatong itinuturo namang responsable sa pagpupuslit ng shabu sa bansa kamakailan gamit ang magnetic lifters.
Matatandaang noong nakalipas na barangay elections, may 200 barangay officials ang pinangalanan ng PDEA na sangkot sa illegal drug trade, upang hindi na iboto ang mga ito ng mga botante.
- Latest