DOTr humihingi ng pang-unawa sa pagbabawal na magdala ng bottled water sa LRT at MRT
MANILA, Philippines — Humihingi ng pang-unawa sa publiko ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa ipinatutupad nilang pagbabawal sa pagdadala ng bottled water at iba pang likido sa LRT at MRT.
Sinabi ni Director Goddess Hope Libiran, Communications Director ng DOTr, ang kanilang paghihigpit ay para rin sa kaligtasan ng lahat ng mga pasahero, kaya’t humihingi sila ng pang-unawa ukol dito.
Aniya, di bale nang maghigpit sila kaysa naman magpabaya at malusutan ng mga terorista.
Ayon pa kay Libiran, hiniling sa kanila ng Philippine National Police (PNP), na pagbabawal na magdala ng “bottled water” kasunod na rin nang naganap na pagpapasabog sa cathedral sa Jolo, Sulu, gayundin sa isang mosque sa Zamboanga City.
Posible rin aniyang ma-ging permanente na ang naturang pagbabawal sa bottled water sa mga tren depende sa magiging desisyon hinggil dito ng PNP.
Samantala, sa panig naman ng LRTA, ipinaliwanag nito na ang pagbabawal sa bottled water at liquid items sa tren ay bahagi ng ipinatutupad na security precaution.
Umapela rin naman ang LRTA sa mga pasahero na makipagtulungan sa kanila at maging mapagmatyag din sa araw-araw nilang biyahe.
Sinagot rin naman ang LRTA ang tweet ng isang pasahero na kumukwestiyon sa prohibisyon.
- Latest