Manila traffic enforcer, huli sa pangongotong
MANILA, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) at PNP-Intelligence Group (IG) ang isang traffic enforcer na inireklamo ng pangongotong sa isinagawang entrapment operation sa lungsod ng Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PNP-CITF Commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., ang nasakoteng suspek na si Mark Bien Ureta, team leader ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Bandang alas-6:10 ng gabi, ayon kay Caramat nang arestuhin ang suspect sa kahabaan ng Natividad Lopez Street sa harapan ng city hall ng nasabing lungsod.
Ang suspect ay inaresto sa aktong tumatanggap ng P6,000 mula sa nagrereklamong si Ronald Guazon, fruit/vegetable truck dealer/driver, residente ng Brgy. Palestina, San Jose City, Nueva Ecija.
Sa salaysay ni Guazon, kinokotongan umano siya ng suspect ng P 6,000 bilang protection money upang hindi arestuhin kapag nagde-deliver ng mga produkto nito sa lungsod ng Maynila at bukod dito ay kumukuha pa sa kaniyang mga panindang gulay at prutas. Agad namang nagsuplong si Guazon sa PNP-CITF at nang ma-kumpirmang positibo ang ulat ay agad nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaa-resto sa suspect.
Samantala, pinakakasuhan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang volunteer enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na inaresto ng PNP-Counter Intelligence Task Force dahil sa pangongotong.
Nagpupuyos sa galit si Estrada at nais nitong mabulok sa kulungan ang nadakip na si Ureta.
Sinabi ni Estrada na walang puwang sa MTPB ang mga iskalawag na ginagamit ang posisyon para manggipit ng mga mahihirap.
Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Estrada si MTPB Chief Dennis Alcoreza na mag-imbentaryo ng kanyang mga enforcers at tiyaking wala nang abusadong volunteer sa bureau. (Doris Franche )
- Latest