Spillover ng Cotabato blast sa Metro Manila, malabo - PNP Chief
MANILA, Philippines — Malabong magkaroon ng spillover sa Metro Manila ang nangyaring madugong pambobomba sa Cotabato City kung saan dalawa ang nasawi, habang 34 pa ang nasugatan noong bisperas ng Bagong Taon.
Ito ang inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde nang matanong kung may banta rin ba ang teroristang grupo na mga Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) inspired sa Metro Manila.
“Sa ngayon wala tayong nakikita and hopefully wala although yung ating intelligence community are always on guard”, pahayag ni Albayalde sa press briefing sa Camp Crame.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Albayalde na nakatuon pa rin ang kanilang imbestigasyon sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah terrorists na mga ISIS inspired ang nasa likod ng pagpapasabog.
Ayon pa kay Albayalde mahigpit ang kanilang pagbabantay at pagpapatupad ng seguridad upang hindi maisahan ng masasamang elemento at mga teroristang grupo.
Samantalang bukod dito, sinabi ni Albayalde na may iba pang anggulo na masusing tinitingnan ang PNP sa pagpapasabog sa Cotabato City.
Samantalang hindi rin aniya makatwirang isisi sa kabila ng implementasyon ng martial law sa buong Mindanao ay nakakalusot pa ang mga teroristang grupo na naghahasik ng terorismo.
Magugunita na noong bisperas ng Bagong Taon ay sumabog ang bomba na itinanim sa harap ng isang kilalang mall na ikinasawi ng dalawa katao habang 34 pa ang nasugatan sa lungsod ng Cotabato.
- Latest