2 Chinese arestado sa pambubugbog
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang Chinese nationals makaraang bugbugin ang isang tauhan ng Public Safety Department ng Makati City makaraan hulihin dahil sa paglabag sa ordinansa sa paninigarilyo sa pampublikong lugar, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga inaresto na sina Hang Zhang, 33, ng #1555 Ramona Condominium, Adriatico St., Malate, Maynila, at si Lan Xi, 32, isang engineer, at nanunuluyan sa No. 22 Olympic Heights, Eastwood, Quezon City.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:30 ng madaling araw nang hulihin sila ng mga tauhan ng PSD ng Pamahalang Lungsod ng Makati dahil sa paninigarilyo sa may Washington St., sa Brgy. Pio del Pilar, Makati City.
Tumangging magpaaresto ang dalawang Tsino hanggang sa magkaroon ng pagtatalo at masaktan ng mga dayuhan si Jhon-Jhon Herras nang masuntok siya. Dito rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 3 at dinala ang mga sangkot sa insidente sa Makati City Police Station para maimbestigahan.
Nahaharap ngayon sa kasong Direct Assault at paglabag sa Smoking Ban Ordinance ang dalawang dayuhan.
- Latest