2 araw na tigil-pasada, isasalubong ng PISTON sa pagpasok ng 2019
MANILA, Philippines — Sasalubungin ng militant transport group na PISTON ng dalawang araw na tigil-pasada ang pagpasok ng 2019 bilang bahagi ng pagtutol ng grupo sa jeepney modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay George San Mateo, national President ng PISTON, hirap at walang kakayahan ang maraming operator na mapalitan ng bago ang kanilang mga unit dahil kapos sila sa budget.
“Hindi makakayanan ng mga maliliit na operator yung napakamamahal na mga unit na gusto nilang ipabili na nagkakahalaga ngayon ng P1.9 million to P2.3 million, sana payagan pa rin ng gobyerno na makapasada ang mga lumang jeep na papasa sa pass emission standard dahil maraming maliliit na operator ang magugutom ang pamilya kapag itinuloy ang modernization,” pahayag ni San Mateo.
Sa ilalim ng jeepney modernization, kinakailangan ang isang operator ng jeep ay palitan ang kanilang lumang jeep ng brand new units na Euro 4 emission standard compliant na may halagang P2 milyon bawat isa. Ang bagong unit na ito ay may 24 upuan ng pasahero. Kinondena rin ng PISTON ang plano ng LTFRB na pagbuuin ng korporasyon o kooperatiba ang mga grupo ng transportasyon. Ayon sa LTFRB, kapag naging kooperatiba na ang transport groups marami silang matatanggap na benepisyo tulad ng tax exemptions at iba pa na makakatulong sa kanilang pamilya.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang pamunuan ng LTFRB sa PISTON na makipag-diayalogo sa ahensiya upang mapag -usapan ang mga problema ng transport group upang mabigyan ng solusyon.
Sinabi ni LTFRB executive director Samuel Jardin, hindi kailangang maapektuhan pa ang mga mananakay sa planong tigil-pasada kung may magaganap namang magandang pag- uusap.
- Latest