UST student na naaksidente habang sakay ng Grab, pumanaw na
MANILA, Philippines — Matapos ang higit isang buwang pagkakaratay, tuluyan nang bumigay ang katawan ng University of Santo Tomas (UST) student na nagtamo ng matinding pinsala sa utak habang sakay ng Grab car sa isang aksidenteng naganap noong Oktubre 26 sa Ermita, Maynila.
Sa kanyang FB account, sinabi ni Isabel Ocliasa na sumakabilang buhay na ang kanyang pamangkin na si Marko de Guzman, 20, mechanical engineering student, habang naka-confine sa pagamutan.
“Now, he (Marko) is free of the pain. He sees his family strong and vowing to take care of his Nanay Belot, sister Erika, and Ninang Lourdes while he’s away,” ayon kay Ocliasa.
Magugunita na dakong alas-4 ng madaling araw noong Oktubre 26 nang maganap ang aksidente sa Taft Avenue, kanto ng United Nations Avenue sa Ermita.
Lulan umano ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Alia sa isang Grab car nang mabangga ng sinasabing inaantok umano na driver ang scaffolding pagliko sa lugar kasunod ang isa pang sasakyan. Nang matapos ang banggaan ay dumiretso pa at tumama nang malakas sa poste ng LRT na may scaffoldings ang sinasakyan ng biktima.
Sa post ni Steffi de Guzman, na pinsan ni Marko, sinabi nito na napakahirap ma-imagine ang naganap kay Marko sa loob ng Grab, dahil natutulog ito ay hindi nadepensahan ang sarili at humagis dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga.
Sa kabila na minor injuries lamang ang tinamo nina Alia, ng Grab driver at ng driver ng isa pang sasakyang nakabanggaan nila. Si Marko ang nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang utak matapos na matusok ng isang bahagi ng scaffolding na lumusot sa sasakyan.
Nagkaroon si Marko ng severe traumatic brain injury at matapos naman ang mahigit isang buwang pakikipaglaban sa kamatayan ay tuluyan na ring binawian ng buhay ang biktima.
“Now, his brain will never be confused, because he will watch from above as his friends and family tell the story of his life and how amazing he was as a friend, a nephew, a cousin, and the best kuya and son ever,”,mensahe pa ni Ocliasa sa Facebook post na may hastag na #MightyMarko.
- Latest