Dahil sa gas leak Gas station owners sa Makati pupulungin
MANILA, Philippines — Pupulungin sa Lunes (Nobyembre 5) ng pamahalaang lungsod ng Makati ang lahat ng may-ari at operator ng mga gasolinahan kaugnay ng naganap na “gas leak” sa Phoenix Petrolium Gasoline Station sa Barangay Bangkal sa lunsod na ito.
Ito ay matapos atasan ni Makati City Mayor Abby si acting city administrator Atty. Michael Camiña na magpatawag ng meeting sa mga may-ari ng lahat ng gasolinahan sa lungsod.
Pinaalalahanan din ng alkalde na magsagawa ng regular na inspection sa kanilang mga fuel line at mga imbakang tangke na kaagad aniyang ipagbigay-alam sa City Hall kapag may problema.
Hinimok din ng opisyal ang mga residente at iba pang stakeholder na iparating ang kanilang mga concern sa pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng mga sumusunod, Facebook; MyMakatiVerified; @Mayor_Abby; Instagram: mymakati; Youtube: MyMakati; website: na www.makati.gov.ph.
Pinuri ng alkalde ang Makati City Fire Department at mga opisyal ng lungsod na bumubuo sa Makati Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) dahil sa kanilang mabilis na pagkilos upang maagapan ang gas leak mula sa naturang gasoline station na humalo sa imburnal o drainage system na posibleng magdulot ng panganib sa mga residente ng Brgy. Bangkal.
Matatandaan na nagpanik ang daan-daang residente dahil nakalanghap sila ng masangsang na amoy mula sa gas leak ng naturang gasolinahan.
- Latest