Kuya inutas ang utol
MANILA, Philippines — Patay ang isang 23-anyos na binata matapos pagsasaksakin ng kanyang kuya sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kamakalawa.
Ang suspek ay kinilalang si Jonathan Albaran, 25, na agad namang naaresto ng mga awtoridad matapos na mapatay sa saksak ang kanyang nakababatang kapatid na si John Paul Albaran, 23, construction worker, at kapwa residente ng Pinya Street, Block 40, Welfare Ville Compound, Brgy. Addition Hills.
Batay sa naantalang ulat ng Mandaluyong City Police, na pinamumunuan ni P/Senior Supt. Moises Villaceran Jr., nabatid na dakong alas-8:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa bahay ng magkapatid.
Nauna rito, dakong alas-2:00 ng madaling araw ay magkasamang umuwi ang magkapatid sa kanilang tahanan, na kapwa lasing matapos na makipag-inuman sa kanilang mga kaibigan. Sa halip namang matulog na ay ipinagpatuloy pa ng mga ito hanggang alas-6:00 ng umaga.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid na nauwi sa suntukan, hanggang sa makadampot ng kutsilyo ang suspek at tinarakan sa dibdib ang biktima.
Isinugod pa sa Mandaluyong City Medical Center ang biktima ngunit nasawi rin habang naaresto naman ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police at mga barangay tanod ang suspek.
- Latest