Parak, timbog sa nakaw na sasakyan at di-lisensiyadong baril
MANILA, Philippines — Isang pulis ang dinakip ng kanyang mga kabaro matapos na mahuling nagmamaneho ng umano’y nakaw na sasakyan at nag-iingat pa ng di lisensiyadong baril sa Cubao, Quezon City kamakalawa.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si PO2 Randy Batonghinog, 34, nakatalaga sa Cavite Police Station at residente ng Brgy. Socorro, sa Cubao, ay naaresto dakong alas-2:30 ng hapon habang minamaneho ang isang pulang Toyota Innova, na may conduction sticker no. na A3F234 at pagma-may-ari ng RCB Rent A Car.
Sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7), na pinamumunuan ni P/Supt. Giovanni Hycenth Caliao, lumilitaw na Setyembre 2018 pa nang iulat ng naturang car rental, na nawawala ang naturang sasakyan, na nirentahan umano sa kanila ng isang Marta Gabriella Soler noong Hulyo 28, 2018, sa halagang P50, 000 kada buwan.
Gayunman, buwan ng Setyembre ay hindi na nakapagbayad ng buwanang renta si Soler at hindi na rin ito makontak ng may-ari ng kompanya kaya’t inireport sa pulisya.
Naispatan naman ng empleyado ng car rental ang sasakyan sa 13th Avenue, Brgy. Socorro, kaya’t kaagad na inireport sa mga tauhan ng PS-7.
Tinugis ng mga pulis ang sasakyan at pagsapit sa Gen. Aguinaldo Ave. kanto ng Gen. McArthur Ave., Araneta Center, sa Brgy. Socorro, ay naaresto ang suspek.
Ikinakatwiran naman ng suspek na hiniram lamang niya ang sasakyan mula sa isang kaibigan na hindi naman nito pinangalanan.
Nadagdagan naman ang kaso ng suspek nang kapkapan ito at mahulihan ng hindi lisensiyadong Pietro Berretta caliber .32 na may serial Number DAA5221700 at kargang walong bala.
Nasa kustodiya na ng Anti-Carnapping Section ng QCPD ang suspek na sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Law of 2016 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
- Latest