Pulis na pinag-push up, sasailalim sa bypass
MANILA, Philippines — Sasailalim sa bypass operation ang isang pulis na nag-collapse nang pinag-push-up ng isang opisyal dahil sa hindi pagsaludo sa loob ng MPD headquarters noong nakalipas na Martes.
Si SPO3 Mario Asilo, 48, ng MPD’s homicide section ay kasalukuyang naka-confine sa Medical Center Manila intensive care unit (ICU) pero nakatakdang ilipat sa Philippine General Hospital.
Base sa medical report ni MCM cardiologist Dr. Camilo Te, si Asilo ay ginagamot sa ‘fatal arrhythmia secondary to acute coronary syndrome’.
Ayon sa maybahay nito na si Marissa, bagama’t natutuwa sila dahil buhay ang kanyang mister, kailangan pa rin nilang mangalap para sa isasagawang operasyon dito bago ilipat ng pagamutan.
Magugunitang nag-collapse si Asilo makaraang utusang mag-push up ni Chief Inspector Reynante Parlade, MPD–SWAT commander bilang parusa dahil sa hindi pagsaludo sa kanya. Bukod pa sa agad-agad itong pinadis-armahan ng opisyal sa kanyang mga tauhan.
Si Asilo na may heart condition ay nagpauna na sa opisyal na siya ay maysakit at hindi maisasagawa ang kaparusahan, subalit pinilit ito ng opisyal.
Inamin naman ni Parlade na hindi siya nakauniporme at hindi lahat ng nasa MPD headquarters ay nakakakilala sa kanya.
Samantala, sinabi naman ni MPD director Chief Supt. Rolando Anduyan na hihintayin niya ang report ng Internal Affairs Office (IAS) sa Camp Crame bago magsagawa ng aksyon sa insidente.
- Latest