Mga kandidato nagkumahog sa last day ng filing ng COC
Sa Pasay
MANILA, Philippines — Sa Pasay City, eksaktong alas-9:00 kahapon ng umaga nang maghain ng COC si dating Pasay City Chief Prosecutor Edward Togonon sa tanggapan ng Commission on Election (COMELEC) para kumandidato sa pagka-alkalde.
Kung saan makakatunggali nito si Pasay City Congresswoman Imelda “Emi” Calixto at ang kapatid ni Sharon Cuneta na si Chet Cuneta.
Kasama ni Togonon sa paghahain ng COC ang kanyang mga running mate na sina Atty. Bong Tebelin, tatakbo bilang bise alkalde, si dating Pasay City Prosecutor Elmer Mitra, na kandidato naman sa pagka-congressman ng lungsod at ang mga kaalyado nito sa pagka-konsehal. Si Togonon at ang mga kasama nito ay kumakandidato sa ilalim ng partido ng PDP-LABAN, ang partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung saan sila aniya ang bagong boses, bagong pangarap at bagong pag-asa ng lungsod ng Pasay.
Sa Parañaque
Sa Parañaque City naman, eksaktong alas-8:00 kahapon ng umaga nang maghain ng COC si incumbent Parañaque City Mayor Edwin Olivarez para sa ikatlong termino nito sa pagka-alkalde.
Kasama nito sa paghain ng COC ay ang kanyang running mate na si incumbent Vice Mayor Rico Golez, na muling kakandidato sa pagka-bise alkalde, kapatid nitong si Congressman Eric Olivarez, na kakandidato naman sa ikalawang termino at ang mga kaalyado nitong mga konsehal.
Makakalaban ng naturang incumbent mayor ang dating alkalde ng lungsod ng Parañaque na si Florencio Barnabe.
Ang Team Olivarez ay tumatakbo sa ilalim ng partido ng NPC-PDP-LABAN.
Sa Muntinlupa
Naghain na rin kahapon si incumbent Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa COMELEC na nakabase sa lungsod.
Sa pambihirang pagkakataon ay nagsanib puwersa ang mga lider ng administration party, PDP-Laban at Liberal Party sa Muntinlupa City at binuo ang Team Fresnedi.
Sinabi ni Fresnedi, patunay ito na ang pagmamalasakit sa lungsod at mga Muntinlupeno ay walang kinikilalang kulay ng politika.
Naghain na ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Fresnedi (Liberal Party) kasama ang kanyang running mate, dating Vice Mayor Temy Simundac (PDP-Laban) sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa lungsod.
Una nang naghain ng kanyang COC si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, na miyembro rin ng PDP-Laban, sa kanyang paghahangad na makakuha ng panibagong termino.
“Nagkakaisa kami para maipagpatuloy ang mga nagawa at naumpisahang positibong pagbabago para sa ating mahal na lungsod at kapwa Muntinlupeno,” pagdidiin ni Fresnedi.
Samantala, sumailalim sa drug test ang lahat ng mga kandidato sa Fresnedi-Simundac Team sa Ospital ng Muntinlupa kahapon at lahat sila ay pumasa.
- Latest