Rookie cop timbog sa kotong
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga elemento ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang isang bagitong pulis na inireklamo ng pangongotong sa isinagawang entrapment operation sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PNP-CITF Commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr. ang nasakoteng suspect na si PO1 Alexis Domingo, miyembro ng Northern Police District –Drug Enforcement Unit (NPD-DEU ) Office.
Bandang alas-12:40 ng madaling araw, ayon kay Caramat nang masakote ng kaniyang mga tauhan sa pakikipagkoordinasyon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Guillermo Eleazar si Domingo sa entrapment operation sa kanilang tanggapan.
Ang suspect ay inaresto sa aktong tumatanggap ng P2,000 marked money mula sa nagrereklamo.
Sinabi ni Caramat na bago ang operasyon ay inireklamo ang nasabing parak sa tanggapan ng PNP-CITF sa Camp Crame kahapon.
Nabatid na una nang humingi ng P 3,000 si Domingo sa nagrereklamo na kapatid ng isang inmate bilang kabayaran umano sa paglilipat dito sa custodial facility ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Naibigay naman ang nasabing halaga pero humihirit pa ng karagdagang P6,000 si Domingo kaya napilitan nang dumulog ang nagrereklamo sa tanggapan ng PNP-CITF.
Agad namang isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto dito.
Sa kasalukuyan, isinailalim na sa kustodya ng PNP-CITF sa Camp Crame ang nasakoteng suspect.
- Latest