Vice mayor ng Pateros, inaresto
MANILA, Philippines — Inaresto ang bise-alkalde ng Pateros matapos itong ireklamo ng kanyang misis dahil sa pang-aabuso.
Nasa custody ngayon ng Pateros Police si Pateros Vice Mayor Gerald German, 39, ng E. Hermosa St., Brgy. San Roque ng naturang bayan na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti Violence Against Women and their Children Act).
Inireklamo ito ng kanyang misis na si Mary Antonnette German, ‘Maan’, 38, negosyante na nagtamo ng mga galos at pasa sa mukha at braso.
Sa report na natanggap ng director ng Southern Police District (SPD), na si Sr. Supt. Eliseo Cruz, naganap ang insidente alas-7:30 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-asawa kamakalawa.
Nabatid na 10 taon ng mag-asawa ang dalawa at kamakalawa ay nagkaroon ng mainitang argumento ang mga ito.
Sa kainitan ng pag-aaway, dito na pinagbuhatan ng kamay ng naturang bise alkalde ang kanyang misis. Napag-alaman pa, na nitong nakaraang Agosto 30, 2018 ay pinagbuhatan na rin ng kamay ng bise alkalde ang ginang.
Hindi na umano nakatiis ang misis kaya nagharap na ito ng reklamo laban sa nabanggit na vice mayor, dahilan upang arestuhin ito ng mga kagawad ng Pateros Police.
- Latest