TRO inilabas ng korte para maibalik ang kuryente at tubig sa 2 brgy. sa Caloocan
MANILA, Philippines — Nagpalabas ng ‘temporary restraining order (TRO)’ ang Caloocan City Regional Trial Court na pumipigil sa ginagawang pagharang ng mga security guard ng isang pribadong kompanya sa pagpasok ng Manila Electric Company (Meralco) sa dalawang barangay sa lungsod na isang buwan nang walang kuryente.
Inilabas ang TRO ni Caloocan RTC Branch 232 Judge Rosalia Hipolito-Bunagan nitong Setyembre 10 bilang tugon sa isinampang petisyon para sa TRO at writ of preliminary injunction ng Parents and Teacher’s Association ng Pangarap Elementary School at Pangarap High School na lubhang naapektuhang sa isang buwang pagkaantala ng suplay ng kuryente at tubig.
Sa rekord, nasira ng malakas na ulan nitong kalagitnaan ng Agosto ang isang poste ng kuryente sa national highway ng Brgy. 181 at 182 na bumubuo sa Pangarap Village dahilan para mawalan ng kuryente at maputol din ang suplay ng tubig ng nasa 33,000 residente.
Agad namang hiniling ni Mayor Oscar Malapitan sa Meralco na agad na kumpunihin ang sira para hindi maapektuhan ang mga residente ngunit pinigilan naman ng mga security guards ng kompanyang Carmel Farms Incorporated (CDI) ang pagpasok sa Pangarap Village ng repair crew.
“The right to education is curtailed by the lack of power supply in the classrooms. There is imperative necessity to restore the electric cables destroyed naturally by torrential rains, because the students cannot be hampered on attending scheduled classes to achieve quality education,” bahagi ng utos ni Judge Bunagan.
Sinabi pa ni Judge Bunagan na magreresulta ng matinding pinsala sa mga inosenteng mag-aaral kung patuloy na hindi maibabalik ang suplay ng kuryente sa dalawang paaralan. (with trainee Renalyn Bolo)
- Latest