13 ‘batang hamog’ sa Maynila pinagdadampot
MANILA, Philippines — Agad na inaksiyunan ng Manila Police District (MPD) ang kumalat sa social media na nakitang pinagtulungan ng grupo ng mga batang lansangan na tinaguriang mga ‘batang hamog’ na pinagdadampot sa kahabaan ng Taft Avenue, panulukan ng Pedro Gil St. sa bahagi ng Ermita, Maynila.
Naiturn-over na sa Manila Reception and Action Center ang nasa 13 kabataan na nasa edad 9 hanggang 16 na walang tiyak na tirahan matapos bitbitin ng mga tauhan ng Paco Police Community Precinct , Manila District Traffic Enforcement Unit, Manila Department of Social Welfare at District Police Intelligence and Operations Unit pasado alas- 5:30 ng hapon nitong Biyernes.
Ito’y matapos iutos ni MPD director Chief Supt. Rolando Anduyan na aksiyunan ang nasabing viral video na nagdulot ng impresyon na kinawawa ang matandang lalaki ng mga kabataan na kinaladkad mula sa isang pampasaherong jeep dahilan upang magalit ang mga nakasaksi at i-video ito na umani ng mga batikos sa netizen. Gayunman, sa naging pahayag ng mga kabataan, nagawa nilang patulan ang matanda dahil sa sobrang pambabastos umano sa isang 16-anyos na kasamahan nila na bagong panganak.
Bago umano ang pangyayari sa video na hindi nakunan ng nag-upload, nakatambay sa kalsada ang 16 -anyos na dalagita at nagkataong tambay at palaboy din ang matandang lalaking payat na puti na ang buhok.May dumaan umano na naawa sa kanila at nagbigay ng isang hamburger at sinabihan sila na paghatian ang pagkain.
Nang hinihingi na umano ng dalagita ang parte niya ay ayaw ibigay ng matanda at sa halip ay nilamas ang magkabilang dibdib ng dalagita.
Nagalit ang dalagita at pinatulan ang matanda hanggang sa kumuha umano ang matanda ng barbeque stick at tinangkang saksakin ang dalagita.
Nang isumbong sa karelasyong menor de edad ay lumusob ito kasama ang iba pang batang hamog at hinabol ang matanda na umakyat umano sa humintong jeep at doon na siya inagawan ng stick ng isang binatilyong kasamahan nila at kinaladkad pababa ng sasakyan. Hindi umano nila biniktima ng snatching ang matanda kungdi inagawan lang ng panaksak na stick at ang dalagitang nakitang nambugbog sa matanda ay bagong panganak pa lamang na napikon sa panghihipo sa kanya. Hindi na matagpuan ang matandang lalaki para sa imbestigasyon na posibleng maharap din sa paglabag sa Acts of Lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o Child Abuse .
- Latest