Arroceros Forest Park, hindi gagawing mall
MANILA, Philippines — Naghain ng resolusyon ang isang konsehal sa Manila City Council hinggil sa preserbasyon at pagsasaalang-alang sa mga puno at halaman na nakatanim sa Arroceros Forest Park sa nasabing lungsod.
Batay sa resolusyon na inihain ni 5th District Councilor Ricardo “Boy” Isip Jr., nais nitong mai-preserba ang mga nakatanim na matatandang puno at halaman sa naturang park na itinuturing na nag-iisang gubat sa gitna ng lungsod kung saan maglalagay lamang ng ilang pasilidad para sa mga estudyante ng Maynila.
Kaugnay nito, sinabi ni Isip na inihain nito ang nasabing resolusyon upang mapasinungalingan ang kumakalat sa social media hinggil sa pagpapatayo umano ng mall o gymnasium sa Arroceros Park.
“Walang katotohanan na gagawing mall yung Arroceros Park, marami lang talaga ang gustong manira kay Mayor Joseph “Erap” Estrada.” paliwanag ni Isip.
Napag alaman sa nasabing resolusyon na noong Agosto 1992 ay binigyang awtorisasyon ng City Board ng Maynila ang pagbili ng 21,428 sq/m na pag-aari dati ng Land Bank of the Philippines na ngayon ay mas kilala na Arroceros Forest Park.
Sa halagang P65 milyon ay naibenta sa Maynila ang nasabing lugar kung saan napagkasunduan na gagamitin ito para sa edukasyon, palakasan at recreational.
- Latest