Naglipanang tricycle sa MM hindi kayang kontrolin ng LTO
MANILA, Philippines — Aminado ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na tali ang kanilang mga kamay sa pagpapatupad ng disiplina sa mga nagkalat na mga traysikel sa mga lansangan lalo na sa Metro Manila.
Sinabi ni LTO Law Enforcement Director Francis Almora na hindi rin nila basta agad madarakip ang mga tricycle drivers na dumaraan sa mga panguna-hing lansangan dahil may mga ordinansang pinaiiral ang mga lokal na pamahalaan na nagsasa-legal ng pamamasada ng mga traysikel.
Sa Kapihan sa Manila Bay, pinaliwanag ni Almora na naging malabo ang usapin sa pagbibigay ng prangkisa ng LGU dahil hindi nila mahuli-huli ang mga tricycle na lumalabag sa pangunahing ruta national road dahil mayroon namang ordinansa rito ang LGU.
Paliwanag naman ni dating LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton na napupulitika na ang usapin sa tricycle dahil pinapahintulutan ng mga LGU na dumadaan sa national road na lubhang napakadelikado sa mga pasahero.
Bukod aniya rito ay problema rin ang mga tricycle na walang prangkisa lalo na sa mga probinsiya na karamihan ay walang personal passengers insurance kaya lubhang napakadelikado umano ang mga pasaherong posibleng madisgrasya.
- Latest