‘Anak’ ni Jess Lapid, 3 pa huli sa 2-kilo ng marijuana
MANILA, Philippines — Huli ang isang lalaki na sinasabing umano’y anak ng sikat na action star na si Jess Lapid Jr., at tatlo pang ‘tulak’ ng droga kung saan nasamsam sa kanila ang dalawang kilo ng marijuana sa buy-bust operations sa mga lungsod ng Pasig.
Batay sa ulat ni Pasig City Police Station chief, P/Senior Supt. Rizalito Gapaz, kay Eastern Police District (EPD) Director, P/Senior Supt. Bernabe Balba, dakong alas-11:15 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek na sina Jose Maria Lapid, alyas Joey, 24, ng De Castro Metropolis 1, Intramuros St. Brgy. Sta. Lucia, Pasig City; Franklin Ramos, 25, ng Midtown Village, Cainta, Rizal; Zackaria Bansil, 21, ng Felix Subdivision, Cainta, Rizal at Xavier Allan Raymundo, 30, ng 16C Valiente St. sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City.
Ayon sa EPD, may nakapagsabi sa kanila na si Joey ay ‘anak’ umano ni Jess Lapid Jr, pero itinanggi mismo ni Joey.
Nauna rito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni P/Senior Insp. Alvin Perlas, sa Ortigas Avenue Extension, kanto ng Countryside sa Brgy. Sta. Lucia.
Target ng operasyon si Joey pero naaresto na rin sina Ramos, Bansil at Raymundo, nang matiyempuhan ng mga awtoridad sa naturang lugar habang isinasagawa ang buy-bust.
Nakumpiska mula sa sa mga suspek ang isang pakete na may lamang mga hinihinalang bulto ng marijuana, dalawang plastic sachet ng marijuana leaves, at tatlong bundle pa ng pinatuyong dahon ng marijuana, na tinatayang aabot sa dalawang kilo ang timbang na may street value na P80,000, gayundin ang P2,000 marked money na ginamit sa operasyon.
- Latest