Catcalling bawal na sa Maynila
MANILA, Philippines — Pumasa na sa huli at ikatlong pagbasa ng konseho ng Maynila ang pagbabawal sa “catcalling” o pagsipol at iba pang klase ng sexual harassment sa mga babae.
Nabatid na pumasa noong Lunes sa 3rd reading ng Manila Council ang Ordinance No. 7857 o ang pagbabawal sa catcalling o anumang klase ng pambabastos sa mga kababaihan lalo na sa mga pampublikong lugar ng lungsod.
Batay sa ipinasang ordinansa, ang paninipol, catcalling, pagtitig, makulit na paghingi ng contact details, pagmumura, at madalas na pagsasabi ng salitang sexual o “green jokes” sa mga kababaihan ay may kaakibat na parusa na isang araw hanggang 15-araw na pagkakakulong na pwede pang samahan ng multang P200 hanggang isang libong piso.
Mas mabigat naman na parusa ang mga irereklamong nagpapakita ng body gestures na nakababastos lalo na kung ito ay magpapakita ng kanyang ari dahil maaari itong ikulong mula isang buwan hanggang tatlong buwan at maaring pagmultahin mula P1,000 hanggang P3,000.
Tataas naman ng multa ang sinumang umulit sa paglabag ng ordinansa kung may kasama na itong panghihipo at stalking kung saan may katumbas na itong parusa na tatlo hanggang anim na buwang pagkakakulong at multang P3,000 hanggang P5,000.
Mas mabigat umano na parusa ang ka-kaharapin sakaling paulit ulit itong lalabag sa nasabing ordinansa.
Pirma na lang ni Mayor Joseph Estrada ang hinihintay para tuluyan na itong ipatupad.
- Latest