3 bagitong parak, timbog sa kotong
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding gigil, muntik nang gulpihin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang tatlong bagitong pulis Maynila na umano’y nangotong sa sampung drug suspects na kanilang dinakip nitong Miyerkules ng madaling araw.
Nakapagpigil man, kaagad na sinibak sa pwesto ni Eleazar sina PO1s Radam Manglicmot; Edmar Cayanan at Jeff Pee Calaguas, na pawang nakatalaga sa Ermita Station 5 ng Manila Police District (MPD).
Dahil sa command responsibility maging ang hepe ng mga ito na si Supt. Emerey Abating ay sinibak din sa kanyang pwesto.
Kahapon ay iniharap ni Eleazar ang tatlong pulis at gigil na gigil ito sa galit na kinutusan na lamang niya ang mga ito.
Sinabi ni Eleazar, sinibak at kakasuhan ang tatlong bagitong parak dahil sa ginawang pag-aresto ng mga ito sa sampung drug suspects na kinabibilangan ng anim na babae at 4 na lalaki sa isang hotel sa UN Avenue nitong nakaraang Miyerkules.
Nabatid na ang tatlong PO1s ay nagpakilala pa umanong mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang hinuling drug suspects.
Kapalit ng paglaya ng mga ito ay hiningian sila ng mga pulis ng halagang P300,000.
Subalit sinabi ng isa sa mga suspect na wala silang ganun kalaking pera at nakiusap ito sa mga pulis, hanggang sa maibaba sa P50,000.
Isa sa mga asawa ng drug suspect ang nakipag-negosasyon sa tatlong pulis upang maghanap ng halagang P50,000 para makala-ya rin ang kanyang asawa.
Nagtungo rin ang isa sa mga asawa ng isang dinakip sa tanggapan ng PDEA para alamin kung miyembro nga nila ang naturang mga umaresto.
Nang berepikahin ay nalamang nagpanggap lamang palang mga taga-PDEA ang tatlong police, dahilan upang magkasa ng entrapment operation laban sa mga ito.
Hanggang sa humantong sa pagkakadakip sa tatlong PO1s na naganap mismo sa loob ng MPD Station 5.
Mariin namang itinanggi ng tatlong pulis ang akusas-yon sa kanila.
Samantala, inatasan naman ni Eleazar si MPD Director Chief Supt. Rolando Anduyan, na mag-imbestiga rin sa buong Station 5 upang malaman kung may iba pang sangkot sa ganitong insidente.
- Latest