Mga bata sa Quezon City may ‘role’ na sa komunidad
MANILA, Philippines — May partisipasyon na ngayon ang mga bata sa kanilang komunidad na ginagalawan sa Quezon City (QC).
Ito ay makaraang ipasa ng QC Council sa pangunguna ni QC Vice Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2671, S-2018 na iniakda ni Councilor Julienne Alyson Rae Medalla at nagtatakda ng eleksyon ng isang “child representative” sa bawat barangay na magsisilbing kinatawan ng children sector sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC).
Ang BCPC ay ang komite na nangunguna sa pagsasagawa ng mga programang nangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan.
“We at the government has the responsibility to take all available measures to ensure the children’s rights are respected and protected, and that includes providing them with the kind of environment that necessitates their meaningful and effective participation,” pahayag ni Belmonte .
Ayon kay Belmonte, ang paglahok ng mga bata sa BCPC ay nakapaloob sa Guidebook on Child Participation in the Philippines na inilabas ng Council for the Welfare of Children (CWC), ang inter-agency body ng pamahalaan para sa mga kabataan.
Base sa bagong ordinansa, maaaring tumakbo at mahalal na child representative ang mga batang edad 10 hanggang 15 na magiging miyembro ng BCPB board. Sila ay ihahalal ng mga miyembro ng mga children’s associations na accredited ng barangay. Sila rin ay dapat residente ng barangay ng isang taon.
Ang barangay kagawad na siyang Chairperson on Children/Women and Family ng BCPC ang inatasang manguna sa pagsasagawa ng eleksyon para sa child representative.
Bilang opisyal na kinatawan ng sektor ng kabataan sa komunidad, ang mahahalal na child representative ang mangunguna sa pagtitipon ng mga children’s associations upang talakayin ang mga isyung may kinalaman sa mga bata. Ito ay ipiprisinta nila sa BCPC upang mabigyan ng karampatang aksyon.
- Latest