Film director at visual artist nanirador, arestado
MANILA, Philippines — Arestado ng mga awtoridad ang isang film director at kasama nitong visual artist matapos umanong manirador at makatama ng isang negosyante sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City kamakalawa ng tanghali.
Ayon kay Mandaluyong City Police chief P/Supt. Moises Villaceran Jr., mga kasong Physical Injury at Unjust Vexation ang kakaharapin ng mga suspek na sina Eugenia Lopez, 35, visual artist na residente ng Brgy. Highway Hills, at Rafael Santos III, 32, isang film director, at residente ng Sobrieda Street, Balic-balic, Sampaloc, Manila, bunsod nang reklamo ni Andrea Marie de Guzman, 28, businesswoman at residente ng Brgy. Addition Hills.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, nabatid na dakong alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Shaw Boulevard sa natu-rang barangay.
Naglalakad si De Guzman sa pedestrian lane sa natu-rang lugar nang madaanan siya ng mga suspek, na sakay ng isang kulay puting Hyundai Accent, at bigla siyang hinintuan.
Binuksan ni Lopez ang kanang passenger window ng sasakyan at saka tinirador ang biktima ng isang wooden sling shot, gamit ang nakabilot na paper pellet, na nagresulta ng pagkasugat ng kanyang kanang braso.
Suwerte namang napadaan sa lugar sina SPO1 Ricky Mel Corpuz at PO3 Fredenil Devidina, sakay ng isang Isuzu Crosswind na patungo ng Sta. Mesa, at nilapitan nila ang biktima.
Nang malaman ang pangyayari ay kaagad na hinabol ng mga pulis ang mga suspek, sa tulong ng mga tauhan ng Police Community Precinct 8, at inaresto.
Narekober mula sa mga suspek ang isang tirador at 50 pirasong nakabilot na paper pellet.
Nakakulong ngayon sa Mandaluyong City Municipal Jail ang dalawa.
- Latest