Disiplina pairalin ngayong tag-ulan – Erap
Sa pagtatapon ng basura
MANILA, Philippines — Ngayong nagsimula na ang tag-ulan, umapela si Manila City Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga Manilenyo na pairalin ang disiplina sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabaha sa ilang lugar sa lungsod.
Ang pahayag ni Estrada ay bunsod na rin sa pangambang paglubog ng ilang kalsada sa lungsod dahil sa sunud-sunod na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ayon kay Estrada, hindi maikakaila na ang basura ang pangunahing dahilan ng pagbabara ng mga estero, kanal o anumang daluyan ng tubig sanhi ng pagbaha. Aniya, may oras naman ang daan ng mga trak ng basura na dapat na sundin upang hindi kumalat sa kalsada ang mga basura at anurin ng tubig dahil sa lakas ng ulan. Kadalasan aniya na ang mga maruruming tubig ay sumasama sa supply ng tubig sa mga kabahayan na maaari pang magdulot ng sakit.
Dahil dito, pinag-iingat ni Estrada ang mga residente mula sa mga sakit na dulot ng ulan o maruruming tubig-baha tulad ng paalaala ng Department of Health (DOH) upang maiwasan ang sakit na leptospirosis, alipu-nga at galis.
Umapela rin si Erap sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang lumangoy sa mga tubig-baha upang makaiwas sa anumang makukuhang sakit.
Nakipag-ugnayan na rin ang alkalde sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na lagyan ng mga warning sign ang kanilang mga hukay upang agad na maiwasan ng mga motorista at hindi maaksidente. Ang mga hukay aniya ay isa sa mga sanhi ng aksidente dahil na rin sa kawalan ng mga babala.
- Latest