‘Random drug test’ ng NCRPO rerebisahin
MANILA, Philippines — Makaraang isang babaeng miyembro ng Special Action Force (SAF) ang madakip sa aktong bumabatak ng shabu kasama ang dalawa pa kamakalawa ng hapon sa lungsod ng Taguig, nakatakdang rebisahin ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director, P/Chief Supt. Guillermo Eleazar ang ipinatutupad na ‘mandatory random drug test’ sa kanilang mga tauhan.
Ito ay upang matiyak na hindi nakokompromiso ang ‘drug test’ at malaman kung epektibo pa ito sa pagtiyak na ‘drug clear’ ang hanay nila na dapat ay lumalaban sa iligal na droga.
“Zero tolerance tayo pagdating sa involvement sa droga…, ang droga number one mortal sin sa atin sa PNP. Dapat ang nagpapatupad niyan, walang bahid,” ayon kay Eleazar.
Samantala, bukod sa kasong paglabag sa Comprehensive Dange-rous Drugs Act of 2002, nahaharap din sa patung-patong na mga kasong administratibo ang nadakip na si PO3 Lyn Tubig.
Nahaharap siya sa kasong administratibo dahil sa pagiging ‘Absent Without Leave (AWOL)’ at dagdag na kasong ‘grave misconduct’ habang pinagugulong na ang pagsibak sa kanya sa tungkulin matapos ang 11 taon sa serbisyo.
Pinaalalahanan naman ni Eleazar ang mga station commanders at unit commanders ng NCRPO na responsibilidad nila na tiyakin na ang kanilang mga tauhan ay hindi ang mismong lumalabag sa batas na sinumpaan nilang ipatutupad.
- Latest