Arson nakikitang dahilan ng DENR sa LMB fire
MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Environment Secretary Roy A. Cimatu ang malalimang imbestigasyon sa umano’y ulat na arson ang ugat ng pagkasunog sa Land Management Bureau (LMB) building sa Binondo, Maynila noong lunes.
“While we hope that this is not the case, arson is a serious crime and the LMB fire significantly impacts Filipinos who place premium value on land,” pahayag ni Cimatu.
Ang LMB ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang tanggapang ito ang nagtatago ng mga back-up files ng mga digitized land titles gamit ang modern at high-tech equipment na nilamon din ng apoy sa naturang sunog.
Sinabi ni Cimatu na ang DENR at mga opisyales ng LMB ay nakikipagtulungan ngayon sa mga imbestigador ng National Bureau of Investigation at Manila Fire District upang matiyak ang tunay na sanhi ng pagkasunog ng LMB building.
Nang masunog ang LMB building, nadamay din ang iba pang gusali sa tabi nito kasama na ang National Archives Office.
Pinag-aaralan na ngayon ng DENR kung saan maililipat ang opisina ng LMB sa ibang tanggapan ng DENR.
- Latest