SK officials dapat hindi ‘out-of-school youth’
MANILA, Philippines — Upang magsilbing modelo sa ibang kabataan, hinamon ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan sa lungsod na tiyakin na nasa paaralan sila at maayos ang pag-aaral.
Ito ang iginiit ni Mayor John Rey Tiangco nang harapin niya ang daan-daang SK officials na sumailalim kamakailan sa ‘mandatory training’ para sa kanilang gagampanang tungkulin.
“Bago ninyo himukin ang iba na makibahagi sa paglutas ng mga problema o mga isyu, dapat kayo muna ang maunang kumilos,” paalala ng alkalde sa mga SK officials.
Ayon kay Tiangco, isa sa problema na kinakaharap ng Navotas ay ang malaking bilang ng ‘out-of-school youths’ kaya dapat umanong tiyakin ng mga kabataang opisyal ng SK na sila mismo ay nasa paaralan at nag-aaral nang mabuti.
Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Navotas Field Office at Navotas City Council for Youth Development (NCCYD) ang ‘SK mandatory training’ na bahagi ng Republic Act 10742 o ang SK Reform Act.
Kabilang naman sa mga pagsasanay na itinuro sa mga bagong halal na kabataang opisyal ay ang kaugnay ng mga paksa ukol sa desentralisasyon at lokal na pamamahala, kasaysayan ng SK, ‘legislative features’ tulad ng pagsasagawa ng mga pulong at mga resolusyon, ‘planning at budge-ting’ at ‘code of conduct’ ng isang pampublikong opisyal.
- Latest