Natalo sa pagka-kagawad, inutas ng 4
MANILA, Philippines — Patay ang isang dating executive officer (Ex-O), na natalo sa pagkakagawad nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections matapos itong pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang salarin na pawang nakamaskara kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan at dead on arrival nang dalhin ng kanyang mga kaibigan sa Tondo Medical Center si Noel Vibal, 58, nakatira sa Brgy. Tinajeros ng naturang siyudad.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga suspect habang nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya sa insidente.
Lumalabas sa pagsisiyasat nina Malabon City Police homicide investigator PO3 Jun Belbes at PO2 Rockymar Binayug, naganap ang insidente alas-8:25 kamakalawa ng gabi sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nag-iinuman ang biktima at tatlong kaibigan nito ng biglang dumating ang apat na kalalakihang pawang mga nakamaskara at walang sabi-sabing pinagbabaril ito. Pagkatapos nang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect patungong M.H. Del Pilar St.
Ayon sa Malabon City Police, ang nasabing biktima ay itinalagang Ex-O sa isang village ni Brgy. Chairman Alvin Mañalac.
Si Mañalac ay kasama sa listahan ng narcolist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Subalit nang muling tumakbo si Mañalac bilang barangay chairman ay natalo ito matapos na mapasama sa listahan ang pangalan nito sa mga barangay official na sangkot umano sa droga.
Subalit, nagbitiw bilang Ex-O ang biktima dahil tumakbo itong konsehal ng barangay, na natalo rin naman nitong nakaraang halalan.
Inatasan na ng hepe ng Malabon City Police na si Police Sr. Supt. John Chua ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng malalimang imbestigayon at follow-up operation para sa ikadarakip ng mga suspect.
Tiniyak naman ng mga kaanak ng biktimang si Vibal na hindi ito sangkot sa droga.
- Latest