Nawawalang pangalan, inireklamo ng mga botante
Sa pinakamalaking brgy. sa bansa
MANILA, Philippines — Dahil sa laki ng populasyon, naging pangunahing problema kahapon ang pagkawala ng pangalan ng mga botante sa mga presinto sa Brgy. 167 Bagong Silang sa Caloocan City na itinuturing na siyang pinakamalaking barangay sa bansa.
Hindi pa nagbubukas ang mga presinto sa Bagong Silang High School, nakapila na ang mga botante at agad na nagreklamo nang hindi makita ang pangalan nila sa mga dati nilang presinto dahil hindi naman sila mga unang beses na boboto.
Ilan sa mga botante na nawawala ang pangalan ay iginiit na regular silang bumuboto mula pa noong 2013 at 2016 Elections ngunit ngayon lamang nawala ang kanilang pangalan sa regular nilang presinto.
Pinayuhan naman ni Myrna Pacheco, school coordinator ng Bagong Silang High School, ang mga botante na tingnan rin sa ibang paaralan sa barangay ang kanilang pangalan dahil baka nailipat sa ibang clustered precinct dahil sa pagdagdag ng mga bagong botante.
Hindi na umano bago ang pangyayaring ito na naganap rin noong 2016 Presidential Elections.
Isa rin ang naturang barangay sa unang ininspeksyon ni National Capital Regional Police (NCRPO) P/Director Camilo Cascolan. Kuntento naman si Cascolan sa seguridad na ipinatutupad dahil sa nakaantabay na mga pulis ng Northern Police District (NPD) sa mga entrada ng mga paaralan na nagbabantay laban sa vote buying at iba pang paglabag sa Omnibus Election Code.
Itinuturing na pinakamalaking barangay sa bansa ang Brgy. 167 Bagong Silang sa Caloocan base sa populasyon na tinatayang may higit 245,000 residente at lawak ng sakop na lupain na dating tinangkang hatiin sa tatlong barangay sa Kongreso ngunit hindi naisulong.
- Latest