Labor Day rally mapayapa-PNP
MANILA, Philippines — Naging mapayapa sa pangkalahatan ang idinaos na kilos protesta ng hanay ng mga manggagawa at ng militanteng grupo sa buong bansa partikular na sa Metro Manila na sentro ng okasyon sa paggunita sa Labor day kahapon.
Ito ang assessment kahapon ng mga opisyal matapos na pangunahan nina PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Camilo Pancratius Cascolan ang pagi-inspeksyon sa ipinatutupad na seguridad ng idineploy na nasa 10,000 mga pulis.
Una rito, ipinatupad ng PNP ang heightened alert status sa Metro Manila kaugnay ng paggunita sa Araw ng Paggawa na dinagsa ng libu-libong raliyista habang sa mga rehiyon ay ipinaubaya na sa mga Provincial Directors at Regional Directors ang pagtataas ng alert status.
“Nakita naman natin na okay naman sila, they are on alert, enough naman yung ating mga personnels na idineploy dito, so far everything is peaceful and hopefully matapos ito ng walang kaguluhan”, ani Albayalde sa inisyal na assessment bandang alas – 4 ng hapon sa sitwasyon ng seguridad sa idinaos na kilos protesta ng hanay ng mga mangagawa at militanteng grupo.
Sinabi naman ni Cascolan na nasa mahigit 5,000 na umabot pa ng 7, 545 ang dumagsang mga raliyista sa bahagi ng Mendiola habang may mga nag-rally din sa iba pang bahagi ng Metro Manila na naging maayos naman sa kooperasyon ng mga lider manggagawa at mga demonstrador.
“Sa mga kapatid nating raliyista siguro na-realize din nila hindi naman tayo dapat magsakitan dito. We can always air our grievances and our concerns in a very peaceful manner sabi nga natin puwede silang sumigaw puwede silang magmura basta wag lang silang manakit ng tao para maiwasan din natin ang magkasakitan between the rallyists and the PNP”, punto pa ng PNP Chief.
“As of this time, mass demonstrations nationwide remain to be peaceful with no untoward incident reported. Our security forces remain in place and are exercising maximum restraint to avoid the possible eruption of violence”, ayon naman kay PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao.
- Latest