Echiverri inabswelto ng Sandigan sa graft
MANILA, Philippines — Inabswelto ng Sandiganbayan First Division si dating Caloocan City mayor Enrico Echiverri sa kasong graft.
Ito’y matapos katigan ng Korte ang motion to dismiss on Demurrer to Evidence o hiling na pawalang saysay ang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.
Base sa desisyon ng 1st division, bigo umano ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ng mga akusado.
Abswelto rin sa kasong graft at falsification of public documents ang dalawa pang opisyal na sina Edna Centeno at Jesus Garcia.
Ang kaso at may kinalaman sa P8.8 milyon roads improvement project and drainage system noong 2011.
Base sa impormasyong isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan, wala umanong approval ng Sangguniang lungsod ang nasabing proyekto.
Pinapalabas din umano nina Centeno at Garcia na may nakalaang pondo para sa proyekto sa kabila ng wala namang budget para rito.
Si Echiverri ay nahaharap sa 44 counts ng kasong graft sa iba’t ibang division ng Sandiganbayan at ito ang unang ibinasura ng anti-graft court.
- Latest