13 ‘drug user’ arestado sa QC
MANILA, Philippines — May 13 umano’y “durugista” na kinabibilangan ng tatlong menor-de-edad ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkakahiwalay na anti-criminality at anti-illegal drug operations sa lungsod.
Nadakip ng mga nagpapatrulyang tauhan ng La Loma Police Station (PS-1) sina Rey Espenocillas, 31; Francis Gonces, 24; at Jimmy Gonces, 21, pawang residente ng Clover Leaf Market, Brgy. Balingasa, habang aktong nagpa-pot session dakong alas-9:30 ng gabi kamakalawa sa loob ng Clover Leaf Market, sa Brgy. Balingasa. Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.
Kinustodiya ng Masambong Police Station (PS-2) ang dalawang lalaking menor-de-edad matapos maharang habang lulan ng motorsiklo at walang helmet sa isinagawang Oplan Sita dakong alas-10:30 ng umaga sa MH Del Pilar, kanto ng San Antonio St., sa Brgy. San Antonio. Nakuhanan sila ng marijuana na nakabalot sa puting papel.
Naaresto rin ng Talipapa Police Station (PS-3) ang isang 17-anyos na lalaki dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Gana Compound, Brgy. Unang Sigaw matapos na makuhanan ng isang sachet ng marijuana
Sinalakay din ng mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS-4) ang tahanan nina Marvin Oaferina, 25, at Serio Rodriguez, 56, sa 135 Lower Gulod, Brgy. Sauyo, Novaliches dakong alas-4:00 ng hapon at naaktuhang humihithit ng shabu at makuhanan pa ng dalawang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Si Elmer Abusa, 23, ng Caloocan City ay inaresto naman ng patrol officers ng PS-4 dakong alas-12:30 ng madaling araw kahapon, sa Gen. Luis corner Damong Maliit Rd., sa Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches matapos na mahulihan ng shabu at drug paraphernalia, nang masita habang sakay ng isang motorsiklo nang walang helmet.
Sa isinagawang Oplan Galugad ng mga anti-drug operatives ng Cubao Police Station (PS-7), nadakip naman ang mga nasa drug watchlist na sina Albert Galvan, 35, ng Brgy. San Roque, Project 4 at Jocelyn Bilardo, 38, ng Brgy. San Roque, Cubao, dakong alas-7:20 ng gabi sa isang eskinita sa Murphy Mart, sa 1st Camarilla, Brgy. San Roque, Cubao at nakumpiska sa kanila ang dalawang sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Sa isang buy-bust operation, arestado rin ng Project 4 Police (PS-8) si Jeffrey Mabao, 26, ng Brgy. Escopa 3, Project 4, dakong-2:45 ng madaling araw kahapon sa isang eskinita sa P. Burgos St., Brgy. Escopa 3, Project 4 at nakumpiskahan ng tatlong pakete ng shabu at buy-bust money.
Nadakip din sa buy bust operation ng Galas Police Station (PS-11)-DEU si Jonathan Dieta, 48, ng Brgy. Commonwealth dakong alas-4:00 ng hapon, sa Banawe St., kanto ng Quezon Ave., Brgy. Tatalon, at nakumpiskahan ng isang sachet ng shabu.
- Latest