Police Colonel na nahuli sa casino, sinibak sa pwesto
MANILA, Philippines — Tuluyan ng sinibak sa puwesto ang isang police colonel na nahuling nagkaka-casino noong Martes ng gabi sa City of Dreams and Casino sa Brgy. Tambo, Parañaque City .
Ayon kay P/Director Camilo Pancratius Cascolan, Director ng PNP Directorate for Operations, kasabay nito ay isinailalim na rin sa lifestyle check si P/Supt. Adrian Antonio, 35, ng Unit 5, Condo 11, Castaneda Street, Camp Crame, Quezon City.
“He is actually administratively, relieved from his post already as Administrative Officer”, ani Cascolan kung saan isinailalim na sa kustodya ng Southern Police District (SPD) si Antonio.
Dakong alas-10:55 ng gabi noong Abril 3 ng taong ito nang masakote ng mga elemento ng Parañaque City Police at Internal Security ng City of Dreams Resort and Casino sa Pit 16, Ground Floor Gaming Area si Antonio.
Nabatid na namonitor sa CCTV ng casino si Antonio habang naglalaro sa nasabing casino sa kabila ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawal maglaro sa casino ang mga pulis at sundalo gayundin ang mga empleyado ng gobyerno habang inatasan naman ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’ dela Rosa na arestuhin ang mga mahuhuli na nagka-casino.
Aminado naman si Cascolan na magaling na opisyal at masipag sa trabaho si Antonio na gradweyt sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2006 dangan nga lamang at nalulong sa casino kaya dapat itong isailalim sa rehabilitasyon.
“It’s a PRRD (President Rodrigo Roa Duterte’s) directive and we are very strict about that. We will never tolerate, the leadership of our Chief PNP Gen. Dela Rosa will never tolerate such kind of attitude and personality and lastly we want that Adrian would soon be rehabilitated”, anang opisyal.
Sinabi ni Cascolan na simpleng pulis si Antonio na magaling sa trabaho kaya’t hindi niya sukat akalain na lulong na pala ito sa casino at sa katunayan ay ito ang bumuo ng Patrol Plan 2030 sa Davao City kaya’t kinuha niya ito para maging Administrative Officer ng kaniyang tanggapan sa Camp Crame.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde , sinabi nito na nasampahan na ng kaso si Antonio dahilan sa paglabag nito sa kautusan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Albayalde may ilan pang pulis at mga empleyado ng pamahalaan na napaulat na nagka-casino ang target nilang maaresto. Nagbabala rin ang opisyal sa mga pulis at mga empleyado ng gobyerno na aarestuhin ang mga ito sa oras na mahuli sa akto.
Magugunita na noong Enero ng taong ito ay naglagay ng signages ang mga opisyal ng PNP at Philippine Amusement and Gaming Corporation sa entrance ng mga hotel and casino na bawal maglaro sa mga casino ang mga pulis, militar at empleyado ng gobyerno.
- Latest