ASEAN Music Festival, pinahinto
MANILA, Philippines — Hinimatay at nahilo ang may 40 katao matapos magkatulakan sa concert ng isang banda na inorganisa ng ASEAN Music Festival, kamakalawa ng gabi sa Business District Center (BDC), sa Makati City.
Ayon sa report na natanggap ng hepe ng Makati City Police na si Senior Supt. Jerry Umayao, naganap ang insidente alas-7:30 ng gabi sa Ayala Triangle Gardens, BDC ng naturang lungsod habang nagko-concert ang bandang ‘Parokya ni Edgar’, dito na nagsigawan ang mga nanonood at hindi pa nakuntento ay nagtulakan pa ang mga ito upang makalapit patungo sa stage.
Sa kabila ng mariing pakiusap ng music fest organizers sa mga manonood na huwag magtulakan at ayusin ang pila para magpatuloy ang concert ngunit, hindi na ito nakontrol dahil sa dami ng mga nanonood.
Ang pagsisiksikan at tulakan ang naging sanhi nang pagkahilo ng marami at ang ilan pa ang nasugatan.
Kaagad namang binigyan ng first aid ng mga nakaantabay na medic ng Department of Health (DOH) ang mga hinimatay at nahilong mga biktima, na nasa mabuti ng kondisyon, kung kaya’t hindi na kinailangang dalhin ang mga ito sa ospital.
Sa estimate crowd ni Umayao, tinatayang nasa 15,000 katao ang nanonood ng naturang konsiyerto na inorganisa ng ASEAN Music Festival.
Napag-alaman na pasado alas-9:00 ng gabi nang magdesisyon ang mga organizers na kanselahin ang nasabing konsiyerto.
Sa inisyung statement ng organizers, humihingi sila ng paumanhin hinggil sa pagkansela ng naturang event para na rin aniya sa kapakanan at kaligtasan ng mga manonood.
Napag-alaman na ang naturang konsiyerto ng ASEAN Music Festival ay pinamahalaan ng National Commission for Culture and the Arts.
Dahil sa event, isinara ang bahagi ng Ayala Avenue mula Paseo de Roxas hanggang Makati Avenue, na nagdulot ng masikip na daloy ng trapiko sa mga motorista.
Sabi pa ni Umayao, sa ngayon aniya ay wala namang nagrereklamo pa sa naturang insidente.
Pinaiimbestigahan naman ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang sinasabing overcrowding sa naturang music festival.
- Latest