Trader Itinumba sa QC
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi makaraang pagbabarilin ng isang armadong lalaki sa may footbridge ng Sandigan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO3 George Caculba, nakilala ang nasawi na si Elmer Lao, 41, may lending business at residente sa West BF, Brgy. Holy Spirit QC.
Inilarawan naman ang salarin na may taas na 5’7 hanggang 5’8, nakasuot ng jacket at facemask na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril sa biktima.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may footbridge ng Sandigan na matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Batasan hills, QC, dakong alas-9:30 ng gabi.
Bago ito, kasama ng biktima ang kanyang kapatid na si Francisca at hipag na si Imee ay naglalakad nang biglang sumulpot ang suspek at pagbabarilin ang biktima na agad namang bumuwal sa kalye.
Wala namang nagawa ang dalawang kasama nito habang tinitignang naglalakad lamang palayo sa hindi mabatid na direksyon ang suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente upang mabatid ang motibo sa krimen.
- Latest