‘Tulak’ binoga sa mukha
MANILA, Philippines - Wasak ang mukha at nasa kritikal na kalagayan ang isang lalaki na hinihinalang ‘tulak’ ng iligal na droga makaraang dalawang beses na barilin sa mukha ng hindi nakilalang salarin sa gitna ng isang inuman ng alak, Linggo ng gabi sa Malabon City.
Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Amel Mamaclay, 24, truck helper, at naninirahan sa Gozon Compound, Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat, nasa kasarapan ng pag-inom ng alak ang biktima kasama ang ilang barkada sa may Waya Waya Flovi Homes Phase 1, Gozon Compound, Letre, Brgy. Tonsuya, dakong alas-11:10 ng gabi nang dumating ang nag-iisang salarin at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima nang malapitan sa mukha.
Nagkanya-kanyang pulasan naman ang mga kainuman ni Mamaclay at bumalik lamang makaraang tuluyang tumakas na ang gunman. Dito lamang naisugod sa pagamutan ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang pisngi at panga.
Inamin naman ng mga kaanak ni Mamaclay na nagtutulak ng iligal na droga sa kanilang lugar ang biktima na maaaring may kinalaman ito sa pagtatangka sa kanyang buhay.
- Latest