Batas sa jaywalking mahigpit na ipinatutupad: 50 arestado
MANILA, Philippines - Nasa 50 pedestrians ang hinuli at tiniketan ng Metropo- litan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa Anti-Jaywalking kahapon sa Parañaque City.
Nabatid na alas-10:00 ng umaga nang hulihin ng Anti-Jaywalking Unit ng MMDA ang naturang mga pedestrian sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Baclaran ng naturang lungsod.
Dahil dito, naging emosyonal naman ang isa sa mga nahu-ling babae, 25-anyos na hindi na pinabanggit ang pangalan nang hulihin ito ng MMDA habang tumatawid sa service road ng Roxas Boulevard.
Giit ng babae, binaba siya sa naturang lugar nang sinakyan niyang bus, na hindi naman aniya nila alam na bawal palang tumawid, samantalang nakabalandra ang mga signage na nakalagal na “bawal tumawid” doon.
Giit pa ng MMDA, na malinaw aniya kung saan ang tamang tawiran, sakayan at babaan, may footbridge din na maaaring magamit ng mga pedestrian.
Kung kaya’t nanawagan sila sa mga pedestrian, na tumawid sa tamang lugar at gumamit ng mga footbridge para maiwasan ang abala sa kanilang pupuntahan o pagpasok sa trabaho.
Nabatid na ang mga nahuli at natiketan ay kinakailangang magbayad ng multang P500 sa tanggapan ng MMDA at kung wala naman pambayad ay maaaring magpa-schedule ng tatlong oras ng community service o maglinis sa kapaligiran ng area ng Baclaran.
- Latest