Police colonel na naaktuhang nagsa-shabu, nagpiyansa
MANILA, Philippines - Pansamantalang nakalaya ang police colonel na naaktuhang sumisinghot ng shabu matapos itong payagan ng Las Piñas City Regional Trial Court (RTC) na makapagpiyansa kamakalawa ng hapon.
Si Police Supt. Lito Cabamongan, 50, ay pinayagan ni Judge Lorna Domingo, ng Las Pinas City RTC, Branch 201 na makapaglagak ng piyansang nagkakahalaga ng P240,000, kung kaya’t Biyernes ng hapon ay pinalaya rin ito.
Nilinaw ng korte na bailable ang kasong kinakaharap ng nasabing pulis.
Nabatid, na si Cabamongan ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 12 at 15 ng Republic Act 9165 (Dangerous Drug Act) matapos itong arestuhin ng mga kagawad ng Las Piñas City Police kasama ang isang Nedy Sabdao, 44 nang maaktuhan ang mga ito na sumisinghot ng shabu sa Block 16, Lot 14, Everlasting Homes, Brgy. Talon 4 ng naturang siyudad noong Marso 30 ng taong kasalukuyan.
Ayon sa hepe ng Las Piñas City Police na si Police Sr. Supt. Marion Balolong, ikukonsulta nila sa kanilang abugado ang naging hakbangin ng korte.
Si Cabamongan ay dating hepe ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory, Alabang Satellite Office, Muntinlupa City.
Sinibak ito matapos magwala sa isang mall ng hindi ito payagang manood ng sine ng libre at nang madakip ito ng kanyang mga kabaro ay nakatalaga ito sa General Services Section (GSS), ARMD, National Headquarters ng PNP.
- Latest