Police Major itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Pinagbabaril at napatay ng riding in tandem ang isang police major na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang nagpapakarga ng gasolina sa Pasig City nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Chief Inspector Rommel Macatlang, 52, nakatalaga sa CIDG-National Capital Region sa Camp Crame.
Si Macatlang ay idineklarang dead on arrival sa Pasig City General Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Sa ulat ni Pasig City Police chief P/Sr. Supt. Orlando Yebra Jr., naganap ang insidente sa Shell gasoline station sa panulukan ng F. Ortigas Jr. at Meralco Avenue sa Brgy. San Antonio ng lungsod dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima sa kaniyang tahanan lulan ng kulay puting Mitsubishi Adventure (CRT 560) na pansamantalang huminto sa Shell gasoline station para magkarga ng gasolina matapos na dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ni Sr. Supt. Belli Tamayo, hepe ng CIDG-NCR nang mangyari ang insidente.
Sa puntong ito ay biglang sumulpot sa lugar ang riding in tandem kung saan agad na bumunot ng baril ang backrider at pinagbabaril ng sunud-sunod ang biktima .
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa lugar na sumapul sa katawan ng opisyal habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Agad namang sumaklolo ang Pasig City Rescue Team sa crime scene at isinugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara itong dead on arrival.
Kasalukuyan na ngayong nirerebyu ng mga imbestigador ng CIDG-NCR ang footage ng CCTV camera na nakakabit sa lugar upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa mga kasong hawak ng biktima ang motibo ng krimen habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso.
- Latest