24/7 police visibility sa QC, utos ni Bistek
MANILA, Philippines - Pinakalat na ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang mga elemento ng Quezon City Police sa ibat- ibang lugar sa lungsod upang round the clock na magbantay at tiyaking ligtas na gunitain ang Semana Santa ngayong taon.
Partikular na pinababantayan ni Bautista kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang matataong lugar laluna ang MRT stations at mga bus terminals na sakop ng EDSA at Cubao na dagsa ang mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Mahal na Araw.
Pinalalagyan din ni Bautista kay Eleazar ng police assistance center sa mga terminals upang mabilis na malalapitan ng mga tao sa panahon ng emergency .
Pinakilos din sa pamunuan ng QCPD ang pagsasagawa ng 24/7 foot, mobile at motorcycle patrol upang bantayan naman ang mga tahanan na kalimita’y walang tao dahil nagsisiuwi sa kanilang probinsiya ang maraming mamamayan sa panahong ito.
Hinikayat rin ni Bautista ang QCPD na gamitin ang mga bagong sasakyan na ibinigay ng pamahalaang lungsod upang mag-ikot sa mga lansangan laluna sa mga lugar na nagsasagawa ng senakulo at pabasa.
Pinakikilos din ni Bautista ang pamunuan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) at barangay security development officer (BSDO) na makipagtulungan sa QCPD upang matiyak na ligtas ang mamamayan sa paggunita ng semana santa.
- Latest