65 ginto ibinulsa ng PSL tankers sa Dubai meet
MANILA, Philippines - Humakot ang Philippine Swimming League (PSL) ng tumataginting na 65 ginto, 62 pilak at 31 tansong medalya sa 2017 Prime Star Sport Academy Swimming Championship na ginanap sa Al Nasr Sports Complex sa Dubai, United Arab Emirates.
Minanduhan ni Wisenheimer Academy standout Marc Bryan Dula ang atake ng Pinoy tankers matapos humakot ng 12 gintong medalya sa boys’ 10-year category - 10 sa individual at dalawa sa relay.
Hataw din ng 12 gintong medalya si Triza Tabamo sa girls’ 9-year event habang may tig-10 ginto naman sina Jacob Ethan Gapultos (boys’ 8-year) at Danielle Kyra Pelayo (girls’ 15-over) sa kani-kanilang dibisyon.
“I am happy that our swimmers responded in swimming all the events. Despite of the fast pace of the swimming event the swimmers mange to make thier impressive times. Our 18 swimmers swam 180 events all in all and won an amazing 158 medals. It’s an incredible performance,” wika ni PSL President Susan Papa.
Lumangoy ng limang ginto at limang pilak si Alexi Gapultos habang may limang ginto, apat na pilak at isang tanso si Marielle Montenegro, apat na ginto, limang pilak at isang tanso si Joana Cervas, apat na ginto, tatlong pilak at tatlong tanso si Rhandon Solomon at dalawang ginto at walong pilak si Jude Gapultos.
Ang iba pang medalists ay sina Kate Roberto (isang ginto, pitong pilak at dalawang tanso), Noel Nunez (isang ginto, anim na pilak at tatlong tanso), Jodi Tan (isang ginto, limang pilak at apat na tanso), Julia Basa (10 pilak), Amytha Abarintos (apat na pilak at isang tanso), Gian Gomez (tatlong pilak at tatlong tanso), Louisa Solomon (walong tanso) at Jasmin Tan (limang tanso).
“We would like to thank Prime Star officials BM Ravi, Ravi Chandran and Francis Segui for successfully staging this tournament. We’re looking forward to more projects with them,” dagdag ni Papa.
Ang PSL ay kinikilala ng Philippine Sports Commission bilang opisyal na national sports association na nagpapatupad ng grassroots development program sa bansa. May basbas din ito ng Federation of School Sports Association of the Philippines na konektado sa FISU.
- Latest