Obstruction of justice vs Icon Clinic, ihaharap ng EPD
MANILA, Philippines - Bigong makapagsumite ang mga doktor at empleyado ng Icon Clinic sa Mandaluyong City sa itinakdang petsa upang magbigay ng kanilang pahayag hinggil sa kaso ng pagkamatay ng kanilang pasyenteng trader na si Shiryl Saturnino matapos itong sumailalim sa multiple surgery nitong nagdaang Marso 26.
Ayon kay Senior Supt. Joaquin Alva ng Mandaluyong City Police, kamakalawa (Abril 3) ang palugit na ibinigay para makapagbigay ng pahayag ang mga nasangkot sa kaso.
Gayunman, ang natanggap ng Mandaluyong City Police ay isang liham lamang mula sa mga abogado ng Icon Clinic na nagsasabi na hindi na raw ito magbibigay ng pahayag sa dahilang “absence of a complainant” sa kaso.
Bago ito, humingi ng limang araw na pulugit ang Icon Clinic upang makapagbigay ng pahayag ang mga sangkot sa kaso na sina Dr. Samuel Eric Calderon at Dr. Jose Jovito Cordero Mendiola, ang mga nurse na sina Virgil Alec Ongleo, Alvin Carl Genove at Audrey Michelle Santos.
Dahil dito, sinabi ni Director Chief Supt. Romulo Sapitula ng Eastern Police District (EPD) na magsasampa sila ng kasong “Obstruction of justice” laban sa mga sangkot sa nasabing insidente.
Kasalukuyan naman tigil sa operasyon ang Icon Clinic pagkatapos itong isyuhan ng temporary closure order ng naturang pamahalaan ng lungsod.
Magugunitang nasawi si Saturnino matapos na sumailalim sa liposuction, breast at butt surgery. Multiple organ failure ang lumabas sa awtopsiya na naging sanhi ng kamatayan nito.
- Latest