Obrero patay nang mahulog mula sa ika-8 palapag
MANILA, Philippines - Death-on-the-spot ang isang 24-anyos na obrero nang aksidenteng mahulog mula sa ikawalong palapag ng isang gusali na kanilang ginagawa sa Barangay Ugong, Pasig City kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing si Jaymar Odonio, stay-in construction worker sa ginagawang gusali ng Alas-ka Land Inc., na matatagpuan sa Ortigas Avenue sa Barangay Ugong.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, na nakarating sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nabatid na pasado alas-11:00 ng umaga nang mahulog si Odonio mula sa ikawalong palapag ng nasabing gusali.
Itinawag ng mga kasamahang trabahador ng biktima sa mga tauhan ng Pasig City Rescue ngunit nang makita ng mga rescuer na patay na ito ay ini-report na lamang ito sa mga pulis.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung bakit nahulog ang biktima.
- Latest