Sa Caloocan City: 3 bulagta dahil sa droga
MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa droga ang nasawi, dalawa rito ay binaril ng armadong grupo ng kalalakihang nakasuot ng bonnet at ang isa ay nakipagbarilan sa mga pulis sa magkahiwalay na insidente sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang napatay na suspect sa naganap na shootout na isang alyas Pepoy, miyembro ng kilabot na ‘Bulabog Gang’ sa dalawa naman na pinaslang ng mga naka-bonnet ay isa pa lamang ang nakilala, ito ay si Wilyn Sanchez, 39, ng Block 1 Lot 11 PLC Subdivision, Llano Road ng naturang siyudad.
Inilarawan ng pulisya ang hindi pa kilalang biktima na nasa 35 hanggang 40 ang edad, nakasuot ng pink sleeveless shirt at camouflage short pants, na pinagbabaril umano ng mga miyembro ng ‘vigilante group’ alas-3:30 kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Barugo Road, Block 19, Phase 4, Package 5, Brgy. Bagong Silang.
Nabatid kay PO3 Gomer Mappala, nakuha sa bulsa ng biktima ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu.
Samantalang, alas-12:10 din kahapon ng madaling araw, nang magsagawa ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng ‘Oplan Sita’ sa tapat ng Silangan Elementary School sa Kanlaon Road, Brgy. 176 Bagong Silang ng naturang siyudad.
Nabatid na pinara ng mga pulis ang dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo dahil kapwa walang suot na helmet na sa halip na huminto ay pinaharurot ng mga suspect ang kanilang motorsiklo.
Kung kaya’t hinabol sila ng mga pulis at nang makorner sa may Kanlaon Road dito na naglabas ng baril ang mga suspect at pinaputukan ang mga alagad ng batas na tumutugis sa kanila.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta ng agarang kamatayan ni alias Pepoy at ang kasama nito ay mabilis na tumakas at inaalam pa ang pagkakilanlan nito.
Nakumpiska ng mga pulis sa napatay na suspect ang isang kalibre .45 baril, mga bala, anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at ibat-ibang uri ng mga IDs.
Alas-10:25 kamakalawa ng gabi nang pagbabarilin at mapatay si Sanchez mismo sa loob ng bahay nito sa Block 1 Lot 11 PLC Subdivision, Llano Road ng naturang siyudad ng grupo ng armadong kalalakihan na pawang nakabonnet. Narekober ng mga pulis dito ang mga basyo ng kalibre .45 baril at 10 plastic sachet ng shabu.
- Latest