Dating tagpuan
Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay binabati ko ang Pilipino Star NGAYON sa pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo. Ito ang paborito kong pahayagan.
Matagal na po akong sumusubaybay sa pahayagang ito, lalo na sa paborito kong kolum na Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Tony, 40 anyos, may asawa at tatlong anak.
Dati ay may kasintahan ako na mahal na mahal ko. Pero dahil pinilit siya ng kanyang mga magulang na pakasal sa iba, nagkalayo kami at nag-asawa na rin ako. Pareho kaming hindi masaya.
Nagkita kaming muli two years ago habang namimili ako sa isang mall. Niyaya ko siyang magmeryenda at doon nabuhay muli ang aming pag-iibigan. Ang tagpong yaon ay nauwi sa pagtataksil naming dalawa sa aming mga asawa.
Sabi ko, magkita kami kahit tuwing anim na buwan para hindi halata. Pumayag siya, para bigyang daan ang aming tunay na pag-iibigan. Mahigit dalawang taon na naming ginagawa ito. May apat na beses na kaming nagkikita sa dating tagpuan. Pero nakokonsensya ako dahil mabait naman ang asawa ko kahit hindi ko siya tunay na mahal. Ang problema ko ay kung papaano ko tatapusin ang lihim naming relasyon ng dati kong kasintahan. Please help me.
Tony
Dear Tony,
Ano ang problema mo kung hihiwalay ka sa dati mong kasintahan? ‘Yun ang pinaka-tamang dapat gawin.
Puwedeng kulang sa pagkamaginoo na huwag mo nang siputin ang dati mong kasintahan pero ‘yan ang nararapat gawin. Kung may ugnayan kayo kahit man lang sa text message, sabihin mo na sa kanya na napagtanto mo ang inyong kamalian at tapusin na ninyo ang inyong relasyon. Sa ginagawa ninyo, kapwa kayo nagkakasala at may pusong lihim ninyong sinusugatan. Sa iyo man mangyari na pagtaksilan ka ng asawa mo ay masakit, di ba? Kaya tama. Tapusin na ang kahibangan.
Dr. Love
- Latest