P5.5-M shabu nasabat sa NAIA
MANILA, Philippines - Tinatayang nasa P5.5 milyong halaga ng ipinagbabawal na droga ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) nang tangkaing ipasok sa bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Deputy Commissioner Ariel Nepomuceno, hepe ng BOC Enforcement Group, nakita ang kontrabando nang dumaan sa X-ray scanning ang dalawang kargamento na nanggaling sa bansang Republic of Congo na ipinadala ni Mbiko Madama Aminata at consignee ang isang Joseph Amistad ng Talisay, Cebu province.
Lumilitaw na unang idineklarang naglalaman ng kahon ng wigs ang nasabing kargamento subalit natuklasan na naglalaman ito ng 1.2 kilo ng shabu.
Magugunitang noong buwan ng Enero 20 nang maharang din ng BOC ang ilang gramo ng shabu na itinago sa mga candy wrappers sa loob ng DHL Warehouse Commodity na nasa NAIA. Ang nasabing shipment ay nakapangalan sa isang Analyn Dionisio mula sa Doha, Qatar at nanggaling sa isang Randy Olivares ng Sta. Cruz, Manila.
Sinabi ni Nepomuceno na ang nasabing mga kargamento ay nasa pangangalaga na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isinampa na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o Dangerous Drugs Act of 1972, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act laban sa mga nasabing indibiduwal.
- Latest