BGC sa Taguig—CA
MANILA, Philippines - Inilabas na ng Court of Appeals ang desisyon na nagsasaad na ang Taguig City ang may-ari at nakasasakop sa Bonifacio Global City (BGC).
Sa 17-pahinang resolution na sinulat ni Associate Justice Edwin Sorongon ng CA na inilabas nitong March 8, pinaboran ng appelate court ang motion to dismiss ng Taguig at pinagtibay ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court dahil sa paglabag ng Makati sa forum shopping rules sa kaso ng pinag-aagawang BGC.
Kaugnay nito, sinaalang-alang din ng CA ang naging desisyon ng Supreme Court kamakailan ukol sa hatol na guilty laban sa Makati dahil sa ginawa nitong “willful and deliberate forum shopping.”
Ayon pa sa korte, hindi sapat ang mga ebidensya ng Makati upang malaman kung ang ginawa nilang aksyon ay “a by-product of mere thoughtlessness or negligence but willful and deliberate act of forum shopping.”
Ikalawang beses na ito na nahatulang guilty ang Makati sa pagsasagawa ng forum shopping.
Nagsimula ang kaso ng pag-aagawan sa BGC noong 1993 nang mag-file ang Taguig ng kaso sa Pasig RTC laban sa Makati na nauwi sa pagpabor ng korte sa Taguig noong Hulyo 2011.
Bilang sagot, sabay na nagsampa ng motion for reconsideration sa RTC at annulment of judgment sa CA ang Makati kung saan ibinasura ng RTC ang kanilang mosyon na naging dahilan upang magsampa ulit ito ng apila sa CA habang nakabinbin pa ang kaso nitong annulment of judgment.
Naging daan ang mga aksyon na ito ng Makati upang iakyat ng Taguig ang kasong forum shopping sa Supreme Court dahil sa pag-abuso ng Makati sa legal na proseso kasabay ng paghahain ng motion to dismiss sa CA kontra sa mga apila ng Makati.
Itinuturing naman ni Mayor Lani Cayetano na panalo ng mga Taguigeño ang naging desisyon ng CA. Ipinaaabot din niya ang pakikipagkaibigan sa Makati. “Nais ng Taguig na makipagtulu-ngan sa mga karatig nitong lungsod. Mayroon tayong pare-parehong mga hamon at kailangan ng publiko ang ating serbisyo. Matutugunan lamang natin ito kung tayo ay magtutulungan,” dagdag pa ng punong lungsod.
Tiniyak ni Cayetano sa mga Taguigeño na dahil dito ay mas lalong pag-iigtingin at maipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang mga programa nito gaya ng 625 milyong scholarship program, 24/7 na super health centers, door to door programs tulad ng doctor-on-call, home care at libreng gamot.
Sinigurado rin niya sa business sector sa BGC na patuloy ang mababang tax, business-friendly at red tape free ang lungsod ng Taguig.
- Latest