Self-confessed killer Matobato, sumuko sa MPD
MANILA, Philippines - Sumuko kahapon sa Manila Police District (MPD) ang self-confessed killer at dati umanong miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato kaugnay sa warrant of arrest na inisyu ng Davao City Regional Trial Court sa kasong frustrated murder sa tangkang ambush umano sa isang abugado.
Sinabi ni MPD director P/Chief Supt Joel Napoleon Coronel na si Matobato ay naisyuhan ng warrant of arrest ni Davao RTC Presiding Judge Carmellita Sarno-Davin, ng Branch 19 ng 11th Judicial Region Digos City, Davao del Sur.
Ala-1:45 ng hapon nang dumating si Matobato sa tanggapan ni Coronel kasama ang legal counsel na si Atty. Jude Sabio para sa pagsurender.
Unang nagtungo sa City Hall si Matobato para maghain ng piyansang P200,000 sa Manila RTC at doon ay inalalayan na ng grupo na pinamunuan ni City Hall Detachment commander P/Supt. Jackson Tuliao bago siya inihatid sa MPD headquarters.
Ayon sa abugado ni Matobato, mas pinili ng kaniyang kliyente na sa MPD na lamang sumuko at naniniwala na mas patas ang mga awtoridad at tiwala kay Coronel na ka-fraternity sa Alpha Phi Beta sa University of the Philippines ang district director.
Matapos ang pagharap sa media ay agad na isinalang sa booking process ng MPD si Matobato gaya ng finger printing, medical examination at pagkuha ng mugshot.
Matapos ang booking ay dinala muli sa korte si Matobato para sa return of the warrant of arrest.
Pasado alas-4 ng hapon nang ipalabas na ang release order kay Matobato.
Noong Marso 2, 2017, inisyu ni Judge Sarno-Davin ang warrant of arrest laban kay Matobato at isang Atty. Norberto P. Sinsona dahil sa kasong frustrated murder na naganap noong Oktubre 23, 2014.Ani Coronel, matagal nang nasa Maynila si Matobato bago pa man nag-isyu ng warrant of arrest ang korte .
- Latest